
Naaalala nyo pa bang maging katorse?
Maliksi, matikas, puno ng pag-asa, kahit balot pa ang buhay sa hirap
Kanya-kanyang krus, kanya-kanyang tanong, kanya-kanyang pakikibaka
Naaalala nyo pa bang maging katorse?
Marangya pero lubog sa lungkot,
lunod sa abubot, uhaw sa gabay.
Kanya-kanyang krus,
kanya-kanyang tanong
Kanya-kanyang pakikibaka
Naaalala nyo nga bang maging katorse?
Ang diwang puno ng katanungan,
mga panaginip ng kalayaan?
Ano ngayon kung ako’y katorse?
Matagal nang limot ang pagkabata,
Sa gitna ng pasanin at hinagpis
Ano ngayon kung ako’y katorse?
Matagal nang mulat ang diwa
na maaring nakawin ang bukas
Kung gusto nyong ako’y magtampisaw,
sa laya’t ligaya nga kabataan,
kilalanin nyong bata ako
Na di kailangang makuba sa hirap
o makipag-sapalaran sa daan
para lamang magkalaman ang tiyan
Na di kailangan lumingon
sa nagliliyab naming kabahayan
o maghanap ng bagong pagtitirikan
Ano ngayon kung ako’y katorse?
Kung ako’y hirap, magpupunyagi
Kung ako’y inaapi, makikibaka
Kayong manhid o nandidiri
wag lumuha pag ako’y
nalagas sa gitna ng laban.
Huwag nyo akong aksayahan ng luha
kung di nyo kayang maunawaan
ang lungkot ng aking mga gabi
at ngitngit ng aking mga araw
Huwag nyo akong aksayahan ng luha
kung di nyo kayang manawagan
na maibigay ang pinangako
sa aming kabataan
Gusto ko din namang mag-buhay katorse
pero matagal nang ninakaw
ang aking kamusmusan.
Kayong nagkatingin ng matalim
sa aking mga magulang, tanungin nyo
kung naaalala nila ang maging katorse.